Banta ng inflation, nagpapait sa panahon ng pasko

TL;DR:

  • Sinalubong ng nagtataasang presyo ng mga bilihin at record-breaking na inflation rate ang pasko ngayong taon.
  • Inulan ng batikos ang DTI sa kanilang proposisyong P500 budget para sa handang pang noche buena.
  • Malungkot na inilarawan ng ilang mga mamamayan ang kanilang magiging pagdiriwang.

Kumukutikutitap, bumubusibusilak — ganiyan ang nakasanayang indak ng bumbilyang siglos ng paskong Pilipino. Nagkikislapang pailaw at palamuti ang bumabalot sa katedral at parokya ng bawat bayan. Sari-saring parol ang nagpapagandahan sa bawat kabahayan.

Saan ka man mapadpad, tila hindi matatakasan ang nakatatakam na amoy ng bibingka, puto bumbong, at iba pang mga kakanin na nagsisilbing paalala na nagsisimula na ang Kapaskuhan. Ngunit, kasabay ng pagragasa ng pandemya ay ang unti-unting pagbabago ng nakasanayang paskong Pilipino.

Sa halip ng matamis na hamon at nagsasarapang fruit salad sa hapag-kainan, ang haharapin ng mga Pilipino sa pasko ngayong taon ay ang “record-breaking” inflation rate noong Nobyembre 2022 na umabot sa 8%. Ito ang itinalang pinakamataas na lebel ng implasyon sa loob ng 14 na taon mula noong Nobyembre 2008.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

Kamakailan lamang ay kumalat ang isang Facebook post—na ngayon ay mapapansing tinanggal na—mula sa Department of Trade and Industry (DTI) na nagpapakita ng noche buena price guide para sa isang pamilya ng apat hanggang lima na nagsasabing aabot lamang ng hanggang P500 ang mga simpleng handa para sa noche buena. Ito ay ilang linggo lamang matapos ilabas ng DTI ang listahan ng price hike sa mga handang pang noche buena noong ika-23 ng Nobyembre. 

Ang proposisyong ito ay hinarap ng reklamo at pagtanggi, kasabay ng paghamon ng mga progresibong grupo sa DTI na sundin ang kanilang iminungkahing price guide.

“We challenge the DTI to host a livestream of them demonstrating how to prepare their P500 Noche Buena package […] to see if it can actually decently serve a family of five or if they are only duping consumers,” hamon ni Kabataan Party-list representative Raoul Manuel.

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

Paskong nagdaan tila ba kung kailan lang

Hindi maikakaila ang pagkakaiba ng mga karanasan at pagsubok na pinagdadaanan ng mga Pilipino sa mga pasko noong bago ang pandemya at ngayong unti-unting humuhupa ang pinsalang dulot ng COVID-19.

“Mahal ang bilihin […] sobra,” ito ang naging kwento ni Boots Bunggay, tagabenta ng parol sa Chris Lantern Maker, Brgy. San Antonio, Los Baños, Laguna.

Kung tatanungin si Bunggay kung ano ang naging karanasan ng kanilang pasko noong rumaragasa pa ang pandemya, inilarawan niya ito bilang ‘malungkot’. “Walang buhay ‘yung mga bata tsaka ‘yung mga matatanda dahil walang pasko, dahil pandemic nga.”

Dagdag pa niya na ang kanilang paggunita sa pasko ngayon ay hindi na tulad ng dati. “‘Yung mga pagkain na maramihan, mababawasan na siguro ‘yon.”

Kuha ni Dan Alexander Abas, Tanglaw Reporter

Sa kabila ng ‘pagbangon’ na nararanasan ng bansa mula sa mahigit dalawang taong pagkalugmok dahil sa pandemya, ay ang pag-usbong ng panibagong krisis sa ekonomiya na tinitingnang magtatagal hanggang sa susunod na taon.

Ramdam ni Delia Reyes, isang maggugulay sa palengke ng Los Banos, Laguna, ang hirap ng pagbebenta sa panahon ngayon. “Basta makabayad lang sa puhunan, ayos na ‘yon. Kasi utang ‘to [mga paninda] lahat eh. Pagkabenta, babayaran.”

Dagdag pa niya, ang epekto ng patung-patong na krisis ay lubhang nakaapekto sa paggunita ng pasko ng kaniyang pamilya ngayong taon. “Ang hirap. Ang hirap mag-budget. Kung bumili ako, paisa-isang piraso na lang. Dati, kala-kalahating dosena,” pahayag ni Reyes.

Tulad ni Bunggay, iisa ang sentimyento ni Reyes sa pagdiriwang nila ngayon. “Paskong malungkot. Kasi wala kaming pera eh.”

Advertisement

One thought on “Banta ng inflation, nagpapait sa panahon ng pasko

Sarado na ang mga puna.