Alay-lakad kontra Kaliwa Dam, nakarating na ng Kamaynilaan

  • Hinaing ng mga komunidad na masasapul nito, maapektuhan ng Kaliwa Dam ang kanilang kabuhayan at kalikasan.
  • Nakatanggap na ng mahigit 200,000 na pirma ang isang online petition laban sa proyekto.

Nakarating na sa Metro Manila ang higit 300 miyembro ng mga komunidad ng Dumagat at Remontado kasama ang iba’t ibang sumusuportang grupo, na nagmartsa mula sa Gen. Nakar sa Quezon upang irehistro ang pagtutol sa Kaliwa Dam.

Pinangungunahan ito ng Alyansa ng Mamamayan Laban sa Mapaniil na Dama (ALMADAM) at iba pang alyansa at grupo. Layunin ng “Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam” na ipaabot ang mga panawagan ng mga Dumagat-Remontado, magsasaka, at iba pang sektor na naapektuhan ng konstruksyon sa Malcañang at ibang ahensya ng pamahalaan.

Kahit maulan sa mga nakaraang araw, tuloy pa rin ng mga kalahok ang kanilang mga programa sa iba’t ibang bahagi ng Quezon, kasama ang isang opisina ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Rizal, hangga’t nakaabot na sila sa Maynila. Sa paglalakbay ay sinuportahan din ng ilang local government unit (LGU) ng Infanta at Real sa Quezon, at binigyan ng mga donasyon ang mga kasama.

Kuha mula sa STOP Kaliwa Dam Coalition

Dugo sa tubig

Ayon ng mga kalahok, hindi lang ang kanilang mga hanapbuhay at tahanan ang masasapanganib ng napipintong pagtatayo ng Kaliwa Dam (ang layunin ng proyekto ay masolusyunan ang pagtass ng demanda para sa tubig sa Kamaynilaan), kundi pati na rin ang kanilang mga buhay.

“‘Yang lindol na daan na malakas at naguho ang dam, mamatay kami at nasa libis ng dam. Paano na ang mga anak namin? Mga bahay, mga kabuhayan? Iyon ay mababaha, saan na kami pupunta?,” ani ‘Valeriana’, isang katutubo na nakapanayam ng Sectors and Peoples Totally Opposed to the (STOP) Kaliwa Dam. 

Dagdag din ng Protect Sierra Madre for the People (PSM), isang alyansa ng mga indibidwal na lumalaban upang protektahan ang kabundukan, sakop ng Kaliwa Dam – na isang proyekto sa ilalim ng New Centennial Water Source Project (NCWSP) at ng “Build, Build, Build” program ng nakaraang administrasyon – ang higit 291 na ektaryang lupa, kasama ang mga lupang ninuno ng dalawang indigenous people (IPs).

Dahil itatayo ang Kaliwa Dam sa Sierra Madre, isang bulubundukin na tinaguriang “natural barrier” laban sa mga bagyo, hindi lang umano basta-bastang lupain ang mawawala sa kanila. “At kung masisira ang lupaing ninuno, kasama na din doon ang aming kinabukasan. Bilang isa ako sa kabataan, nakikita ko sa hinaharap na kung maitayo man ito ay marami ang mawawala at sa aming tribo hindi lang kabuhayan ang mawawala, pati narin ang aming kultura,” paliwanag naman ni ‘Boniknik’, isang kabataang katutubo sa Gen. Nakar, Quezon

Hindi lamang daw masisira ang kalikasan sa proyektong ito, kundi masasayang rin ang binabayad na buwis ng mga Pilipino. Pahayag ng PSM ngayong Linggo (Peb. 19), “ang gastos sa proyektong ito kasama ang bayad sa kontraktor, mga pribadong kompanya, at utang sa Tsina ay papasanin ng mamamayan mula sa [ipinapataw] na mataas na buwis, mataas na singil sa tubig at kuryente.”

Kuha mula sa STOP Kaliwa Dam Coalition

Pagbibigay-prayoridad sa privatization

Sa pinakabagong pahayag ng PSM ngayong Martes, ika-22 ng Pebrero, kinundena nila ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) dahil sa pagratsada ng proyekto. 

Anila, “nakapaghihinala” ang proseso ng MWSS sa pag-secure ng mga requirement sa Kaliwa Dam, at ng NCIP ng Free Prior Informed Consent (FPIC) mula sa mga pamilyang Dumagat at Remontado, lalo na sa presensya ng mga militar sa mga lugar malapit sa dam.

Dagdag din ng STOP Kaliwa Dam, kinokontesta din ng mga kalahok ang tig-P80 milyong halaga na “disturbance fee” ng NCIP para sa mga apektadong komunidad Dumagat at Remontado. Ayon sa kanila, “napakaliit na bilang ang kinokonsidera ng mga ahensya ng gobyerno at ng MWSS na apektado ng Kaliwa Dam.”

Kaya lamang, pahayag ng PSM sa Ingles, “ang pagmamadali sa Kaliwa Dam ay isang halimbawa ng prayoridad ng pamahalaan sa privatization, na pumapabor sa mga malalaking negosyo, habang ang mga pangangailangan ng ating mga katutubong kapatid ay binabalewala.”

Sa kanilang ikawalong araw ng lakbay kahapong Peb. 22, nakaabot na sa Maynila ang mga kalahok. Dumaan din sila sa Ateneo de Manila University at mga opisina ng MWSS at NCIP.

Samantala, humihingi pa rin ng mga donasyon ang mga kalahok para sa kanilang Alay-Lakad. Hinihikayat din ng mga sumusuportang alyansa na pumirma sa kanilang petisyon, na ngayo’y umabot na ng halos 200,000 na pirma. ■

Advertisement

One thought on “Alay-lakad kontra Kaliwa Dam, nakarating na ng Kamaynilaan

Sarado na ang mga puna.